Thursday, July 9, 2009

Ang assassin (Unang Bahagi)

Tatlong dekada nang nasa isip ko ang ikukumpisal ko sa ‘yo, Manong. Binata pa ako nang mangyari ito. Baka nga magkasing-edad lang tayo ngayon. Pero bilang respeto na rin sa ‘yo kung kaya “manong” pa rin ang itatawag ko sa ‘yo. Kumbaga, kumpisal ng isang manong kay Manong.

Panahon ito ng ligalig para sa sambayanang Pilipino. Pinaghaharian ang ating bansa ng diktador na lider, mga alipores, at ng hukbong sandatahan. Binubusalan ng estado ang bibig ng taumbayan gamit ang malulupit na galamay nito tulad ng korte at militar. Pinapatay at ikinukulong ang mga nagtatangkang lumaban kung kaya patuloy na napipipi ang mga tao sa kabila ng paghihimagsik sa puso ng mga ito. Dahil dito, patuloy na naghahari ang diktador kasabay ng pagsamsam nito sa yaman ng bayan.
Kung hindi umaalma ang karamihan sa mamamayan, may isang grupo ng armadong kabataan na handang makipaglaban para lang makamit ang kalayaan mula sa mapanupil na lider. Hindi kami kasama sa kasaysayan ng pakikibaka laban sa diktador dahil sadyang inilihim namin ang bawat galaw at kilos ng aming maliit pero palabang samahan. Hindi rin alam maging ng mga mga armadong kilusan na umiiral ang aming grupo. Tinitingala namin ang mga armadong kilusang iyon. Sila ang aming mga idol. Hindi man magkaalyado ang aming mga organisasyon, iisa lang ang aming layunin.

Nasa isang mumurahing motel ako sa Sta. Cruz, Maynila at mahigit isang linggo nang naghihintay sa ibababang mahalagang misyon ng grupo. Tanging tunog ng elisi ng lumang bentilador at tulo ng sirang gripo ang pumapawi sa aking pagkainip. Ilang beses ko na ring kinalas at nilinis ang riple at kalibre .45 na gagamitin ko sa misyon na magiging mitsa upang mapabagsak sa umiiral na bulok na sistema. Mahalaga ang papel ko rito dahil ako mismo ang kakalabit sa gatilyo. Hindi ko pa alam kung sino ang target. Basta ang alam ko lang, isa itong bigating tao sa gobyerno. (Itutuloy)

No comments:

Post a Comment