Sunday, July 12, 2009

Ang assassin (Ikalawang Bahagi)

Mahigpit ang bilin sa akin ng aming pinuno na huwag akong lalabas ng motel dahil delikado ang sitwasyon sa labas at baka mapurnada pa ang aming plano. Nagkalat kasi ang Metrocom at iba pang espiya ng diktador. Maghintay lang daw ako sa tao na maghahatid ng buong detalye ng misyon. Kakatok ito sa pinto ng aking kuwarto at kailangan kong hingian ng koda. Kapag tama ang koda na ibinigay, patutuluyin ko ang sugo sa kuwarto. May dala itong sobre na naglalaman ng komprehensibong plano ng misyon.

Dahil sa labis na pagkabagot, nakatulog ako at nagising dahil sa malalakas na katok sa pinto. Sumapi sa akin ang kaba at takot dahil sa pag-iisip na baka natunton na ako ng mga pulis. Agad kong kinuha sa tabi ko ang kalibre .45, ikinasa ko ito saka ako tumayo at iniumang ang baril sa direksiyon ng pinto.

“Sino ‘yan?!”

Umaasa na ako na malaking boses ng isang lalaki (tinig ng parak)ang sasagot sa tanong ko pero nabigla ako dahil isang malamyos na tinig ng babae ang nagmumula sa kabilang bahagi ng pinto.

“Si Monica. Ako si Monica.”

May pagkaburgis ang tinig ng babae. Ipinagkakanulo ng boses niya ang mayamang uring kanyang pinagmulan. “Ano’ng ang koda, Monica?”

“Tatsulok. Tatsulok ang koda.”

Tama ang kodang ibinigay niya kung kaya ibinababa ko na ang hawak na baril. Si Monica ang sugong ipinadala ng aming grupo. Sa labis na kasabikan dahil matutuloy na rin ang importanteng misyon na ilang araw ko na nang hinihintay, mabilis kong binuksan ang pinto at tumambad sa akin ang isang babeng maganda, maputi, at balingkinitan. Bagay na bagay sa kanya ang suot niyang lagpas-tuhod na palda, puting blusa, at itim na sandalyas. Pero nagtataka ako kung bakit labis-labis ang kanyang ngiti. Huli na nang malaman ko ang dahilan: hubo’t hubad pala ako at ang aking nakatirik na ari, nakatutok sa kanya na parang kalibre .45.(Itutuloy)

No comments:

Post a Comment